Fixed cost vs variable cost: ano ang pagkakaiba?
Isinulat ng Negosyo Starter Kit ·

Ang variable cost ay gumagalaw ayon sa benta: ingredients, cup, packaging. Ang fixed cost ay babayaran mo kahit walang bumili: renta, sahod, kuryente. Sa halimbawa ni Bea, ₱28 ang variable bawat cup at ₱30,000 ang fixed kada buwan. Kaya sa 500 cups, ₱88 ang totoong gastos bawat cup; sa 1,500 cups, ₱48 na lang.
Halimbawang numero mula sa Negosyo Starter Guide. Iba-iba ang presyo sa bawat lugar, kaya ilagay ang sarili mong numero.
Ano ang variable cost?
Gastos na gumagalaw ayon sa dami ng benta. Kapag doble ang benta, halos doble rin ito. Kapag walang benta, halos ₱0.
Sa milk tea ni Bea, ₱28 bawat cup:
- Tea + powder: ₱8
- Gatas o creamer: ₱6
- Asukal o syrup: ₱2
- Pearls: ₱5
- Cup, lid, straw, seal: ₱7
Ano ang fixed cost?
Gastos na babayaran kahit walang bumili ngayong buwan. Hindi ito gumagalaw kahit 500 o 1,500 cups ang benta, hangga't pareho ang puwesto at tauhan.
Kay Bea: renta ₱10,000, helper ₱15,000, kuryente at tubig ₱5,000, kaya ₱30,000 kada buwan. Tantiya lang ang ₱15,000 sa helper; mas malaki ang totoong gastos sa full-time na empleyado, kaya i-update ito bago mag-hire.
Paano malalaman kung fixed o variable ang isang gastos?
Isang tanong lang: kung walang benta bukas, babayaran mo pa rin ba ito? Kung oo, fixed. Kung hindi, variable. Halimbawa sa iba pang negosyo:
- Fishball cart ni Mang Rudy: variable ang fishball, gas at mantika, sauce, cup at stick (₱13 bawat cup); fixed ang puwesto, freezer at kuryente, maintenance at permits (₱6,720 kada buwan)
- Online seller: variable ang produkto, packaging, voucher at shipping na sagot mo; fixed ang subscription at upa ng bodega
- Bazaar: variable ang sangkap bawat piraso; fixed ang table fee, pamasahe at display
- Halo: ang kuryente ay may bahaging fixed (ref, ilaw) at bahaging variable (makinang gumagana bawat order). Hatiin kung kaya, o ilagay sa fixed para ligtas
Bakit bumababa ang gastos bawat piraso kapag dumami ang benta?
Dahil hinahati ang parehong fixed sa mas maraming piraso. Pareho ang ₱28 na variable bawat cup, pero lumiliit ang hati sa ₱30,000:
- 500 cups: ₱14,000 variable + ₱30,000 fixed = ₱44,000, o ₱88 bawat cup. Sa ₱69 na presyo, lugi ng ₱9,500
- 1,000 cups: ₱28,000 + ₱30,000 = ₱58,000, o ₱58 bawat cup. Kita ₱11,000
- 1,500 cups: ₱42,000 + ₱30,000 = ₱72,000, o ₱48 bawat cup. Kita ₱31,500, bago ang sahod mo at tax
Paano ginagamit ang fixed at variable sa presyo at break-even?
Ang presyo bawas variable ang kita bawat benta, o contribution: ₱69 − ₱28 = ₱41. Ito ang pambayad sa fixed.
Break-even = fixed ÷ contribution: ₱30,000 ÷ ₱41 = 732 cups kada buwan, o 25 kada araw. Sa costing naman, variable + hati sa fixed: ₱28 + ₱20 = ₱48 bawat cup sa 1,500 cups.
Alin ang mas delikado kapag mahina ang benta?
Ang fixed. Bumababa ang variable kapag humina ang benta, pero buo pa rin ang renta at sahod. Kaya ang negosyong mataas ang fixed ay mabilis malugi sa mahinang buwan.
Bago magdagdag ng fixed (mas malaking puwesto, bagong tauhan), kuwentahin ang bagong break-even. Kung hindi kaya ng benta mo ngayon, maghintay muna o maghanap ng mas maliit na dagdag.
Mga karaniwang pagkakamali
- Variable lang ang binibilang sa gastos bawat piraso, kaya mukhang malaki ang tubo
- Ginagamit ang gastos bawat piraso sa magandang buwan kahit mahina ang benta ngayon
- Hindi isinasama ang sariling sahod at buong gastos sa empleyado sa fixed
- Nagdadagdag ng fixed bago kuwentahin ang bagong break-even
- Hindi ina-update ang variable kapag tumaas ang presyo ng supplier
Mga tanong
Ano ang halimbawa ng fixed cost sa maliit na negosyo?
Renta, sahod ng helper, kuryente at tubig na pang-base, permits, at subscription. Sa halimbawa ni Bea: ₱10,000 + ₱15,000 + ₱5,000 = ₱30,000 kada buwan.
Ano ang halimbawa ng variable cost?
Ingredients, packaging, at bayad na gumagalaw bawat order. Kay Bea, ₱28 bawat cup; kay Mang Rudy, ₱13 bawat cup ng fishball.
Fixed ba o variable ang sahod?
Fixed kung buwanan o arawan kahit walang benta. Variable kung commission bawat benta. Pero kahit commission, kailangang umabot sa minimum wage, kaya may bahaging fixed pa rin.
Bakit mahalagang paghiwalayin ang fixed at variable?
Dahil kailangan ito sa costing, presyo at break-even. Sa contribution (presyo − variable) binabayaran ang fixed, kaya makikita mo kung ilang benta ang kailangan bago kumita.
Basahin din

Negosyo Starter Guide
Nasa Negosyo Starter Guide ang buong costing at break-even ni Bea, at ang Costing at Break-even tabs sa toolkit na naghihiwalay ng fixed at variable para sa negosyo mo. Libre ang Tubo Calculator para sa mabilisang check.
49 pahina + 10-tool toolkit + 3 bonus · ₱899
Pinagkunan
- Negosyo Starter Guide, Kabanata 3 at 5 (Costing, Break-even): halimbawang numero ni Bea
- Food Cart Pack, Kabanata 2: halimbawang costing ni Mang Rudy
Ipadala sa email mo ang Registration Checklist at isang maikling tip kada linggo. Libre, puwedeng mag-unsubscribe anumang oras.
O i-download na lang ngayon, walang sign-up.
Edukasyonal ang gabay na ito, hindi legal, tax o accounting advice. I-verify ang permits at rates sa LGU at sa tamang ahensya.